Biyaheng Peyups 2: Ang hirap maging (aka Boy Boracay)
by limpbwizit on Tuesday, January 22
Akala ko n'un, napaka-ordinaryo kong tao. Papaano kasi, doon lang kasi ako sa probinsya namin lumaki - tuloy, di ako napabilang sa mga sikat dahil puro mga galing lang sa Maynila at abroad ang mga sikat sa amin. Pinangarap ko talagang makarating at tumira sa Maynila para sikat din ako pagbalik ko sa isla namin.
Kaya nung fourth year high school na ako, minabuti kong kumuha ng UPCAT. Bahala na, UPCAT lang kinuha ko, pag di nakapasa, kahit saang iskul, basta't sa Maynila. Ang lakas nga raw ng loob ko, Diliman Campus pa inaplayan ko, di naman ako honor student. Tama nga sila, hirap na nga akong makatapos ng high school, Diliman pa pinangarap ko. Tanginang Jose Rizal kasi yan e, nagsulat ng pagkahaba-habang nobelang di ko maintindihan, ang lalim pa ng Tagalog ng translator, tuloy, pinag-tripan ako ng teacher ko sa Filipino... o Pilipino... ewan ko ba...ang gulo ng subject na yon.
Aba'y tsumamba ata ako, pumasa akong UP Diliman at quota course pa! Na-realize tuloy ng Pinoy teacher ko na me tinatago akong talino. Pinapasa niya ako sa Pinoy kahit wala akong natutunan, basta't ayusin ko lang daw ang pagganap ko ng papel ni... sino na nga ba yon?Basta, ang lalaking nagtapon ng lampara dun sa engagement party ni Paulita Gomez, yon ang pinaka-memorable part ng acting ko e. Tuwang-tuwa naman siya madamdaming pagbalibag ko ng lampara, pumasa ako sa Pinoy at grumaduate ng high school.
E di hinatid na ako ng aking pinsan sa Maynila. Kakaiba ang naging impression sa akin ng mga nakikilala kong nakapila sa enlistment ng ROTC. Ba't kasi meron pang push-up-an at sigawan sa loob ng complex habang nag-eenlist, humaba tuloy ang pila. Anyway, dahil sa mga kalokohan ng mga godammit cadets, andami kong nakilalang nakapilang mga kasing tanga ko ngunit mas maangas na mga freshmen rin.
Ang lupit nga naman ng mga tiga-Maynila, nagmistula akong payaso dun sa pila. Halata kong pinagkakatuwaan nila ang accent ko kaya tinatanong ako ng kung anu-ano para lamang mapagsalita ako. Sa loob-loob ko lang "tanginang mga hayop na 'to, kala mo naman marunong mag-Bisaya (siyempre, trinanslate ko na yan sa Tagalog)." Ang lalakas ng loob ng mga tiga-Maynilang mang-trip ng mga promdi, palibhasa, isang buong barkada silang magkakasama.
Napagtripan man ako't lahat, kakaiba ang naramdaman ko. Kahit papaano'y naging sikat ako kahit saglit. Tuwang-tuwa naman ako dahil ni-recruit pa ako sa frat ng kuya ng isa sa mga kasabay ko, hinatid pa ako ng kotse dun sa tinutuluyang boarding house ng pinsan ko sa may España, nilibre pa ako ng meryenda sa McDo. Ang babaw ng kaligayahan ko, muntik na akong masali sa frat nila, buti na lang di pa uso ang cellphone noon at wala akong naibigay na number, kung hindi, napabilang na sana ako sa frat ng mga supot.
Mas naging feeling sikat ako nang magbukas na ang klase at pinagpistahan ako ng interbyu ng mga block handlers at mga coño kong kaklase dahil nang nagpakilala ako, sinabi kong taga-Boracay Island ako. Parang ayaw pa nila maniwala, at may natawa pa, akala nila nagbibiro lang ako. May sumigaw pa nga na "I'm from Aruba." Di ko akalain na big deal pala sa kanila ang pagiging taga-Boracay. Tinanong ako nang pagkatakot-takot. Kulang na lang, tanungin nila ako kung nakabahag ba ako or naka-brief. Dakilang uto-uto talaga ako, seryoso pa akong nakipag-usap tungkol sa beach outing ng org nila sa sembreak. Buti na lang at tinamad akong magpa-pirma ng sig sheet, nabutas sana ang bulsa ng mga magulang ko sa pagtustos sa mga ka-coñohan kung napasali sa sa tanginang soc-soc na yan.
Naging exotic na talaga ako sa paningin ng mga kakilala ko sa UP. Na-realize ko rin, ako pa lang nga pala ang kauna-unahang taga-Boracay na napasok ng UP, ika nga ng mga kabarkada ko, "exotic" daw ako. Kanya-kanyang pasikatan ang mga freshmen, pero ako walang ginawa. Basta't sinabi kong taga-Boracay ako, "cool" na ang dating ko. Nabansagan na tuloy ako, sayang, proud pa naman ako sa apelyido ko. "Boracay Boy" na tawag sa akin, nabigo tuloy akong magkaroon ng "cool" na nickname at mapalitan ang mabahong palayaw ko sa probinsya. Pero pewede na rin, cool din naman ang "Boracay Boy" e.
Iba na talaga ang pagkakilala ng mga tao sa akin, di gaya sa Boracay na kahit magpanggap akong turista'y wala pa ring nagkakamaling managalog o mag-English sa akin. Cool dude ang dating ko sa UP, at halos lahat ng nakikilala ko'y tuwang-tuwa sa akalang may matutuluyan na silang libre sa mamahaling resort gaya ng Boracay. Pati mga profs ko, humihingi ng contact number ko dahil baka magawi daw silang Boracay at mahihingi ko sila ng discount sa mga kakilala kong resort owners. At lagi na lang akong natatanong, kung may nayari na raw ba akong magagandang foreigners sa Boracay.
Pati minsanang pag-iinit ng ulo ko ay inu-ugnay na sa pagiging taga-Boracay ko. Nagkaroon na ng teorya na inabuso ako ng pedophiles nung bata pa ako kaya matindi ako kung magalit. Pati pagsu-suot ko ng Mojo sandals at shorts sa klase ay inugnay na rin sa Boracay. Pero okay na rin yon, at least, naitago ang katotohanang baduy ang mga sapatos at pantalong dala-dala ko galing probinsya kaya nagtiya-tiyaga sa sandals at shorts habang nag-iipon ng pambili ng DMs at Guess (by the way, hindi pa baduy ang DMs noon). Nadawit na rin ang palagihan kong paglalalabas na walang t-shirt at naka-angat ang garter ng briefs, sanay daw kasi ako dahil sa tabi ng beach ako lumaki. Nakaka-uto na nga e, pati ang madalas kong pagkain ng masarap na liempo't barbeque sa Beach Haus, nilalagyan ng kahulugan.
Ganito pala ang maging exotic, parang inu-ugnay na lang lahat ng gawain mo sa kakaibang feature ng pagkatao mo. Para bang pati pagjajakol mo ay gustong obserbahan dahil baka kakaiba din. Di ko akalain, ganun na lang pala ang pagkamangha ng mga taga-siyudad sa isang kagaya kong lumaki sa Boracay. O baka masyado lang ako napraning at nalasing sa nakakapanibagong pakiramdam na ako'y "exotic."
Minsan tuloy, lahat ng nangangaibigan sa akin, pinaghihinalaan ko ng ulterior motive na maka-libre ng accommodations sa Boracay. Meron talaga kasing makakapal ang mukhang sadyang maghahanap ng tulay para makipagkaibigan, akala ko may crush sa akin,yon pala, may balak lang mag-Boracay at kulang ang budget. May pumunta pa nga sa amin at nagpakilalang kabarkada ko sa Maynila, nang mabuking ng parents ko, biglang naging pinsan ng kabarkada ng kaklase ng ka-floor ko dati sa Kalayaan. Ang hirap talaga maging sikat.
Ganito pala ang maging "exotic,"ang dami mong kaibigan, at mas marami pang gustong makipagkaibigan. Minsan, gusto ko rin namang magyabang tungkol sa mga nalalaman at abilidad ko sa sports, literature, at music. Pero sadyang Boracay na lang lagi ang napag-uusapan. Boracay, Boracay, Boracay...parang yon na lang ang pagkakilala ng mga tao sa akin.
Pero hindi rin maipagkakaila medyo malayo na rin ng narating ko dahil taga-Boracay ako. Ang daming gustong tumulong sa akin dahil "national treasure" daw ako. Oo nga naman, hanggang ngayo'y ako pa rin ang nag-iisang UP alumnus o estudyante na tubong Boracay. Sa mga interviews, kalimita'y hindi na credentials ko ang napag-uusapan kundi Boracay, nauuna kasi ang address kaysa sa credentials sa resume e. Hindi ako nadidiscriminate gaya ng mga ibang Bisaya. Pag naaalala ko nga ang mga nakasabay ko sa pila sa enlistment ng ROTC, natatawa na lang ako. Naiisip ko na ang bobo ko't hindi ko naalalang ihirit na taga-Boracay ako, sana di ako napagtripan. Di bale, natuwa naman ako e.