Contributed by LimpBwiZit on Monday, August 05 @ 13:57:44 PHT
Mahal ko ang UP. Sa maniwala man kayo' hindi, mahal ko ang Alma Mater natin. Naasar ako lagi pag nahiritan ako dahil sa pagiging taga-UP ko. Sa tagal kasi pamamalagi ko sa UP, parang kakambal ko na rin ito. Minsan nga, di ko na alam kung sino ba talaga ako. Sa UP na kasi ako tinubuan ng malay-tao. Lagi na lang, pag napapagalitan ako ng mga magulang ko sumagot-sagot pa ako, babarahin na lang ako basta ng "Yan ba ang natutunan mo sa UP?"
Opo. Sa UP po ako natutong magtanggol sa sarili, kelangan e. Kinakain po kasi ng buhay sa UP ang hindi marunong dumiskarte. Sa tagal naman siguro ng inilagi ko sa UP, tama lang na matuto ako ng tamang pagrarason pag wala na sa tama ang sinusumbat sa akin. Dapat daw, sa Catholic school ako nag-aral. Dun daw, tinuturuan ng magandang asal ang mga estudyante, may religion subjects pa.
Pinagsisihan ata ng mga magulang kong sa UP ako pumasok. Paano kasi, katorse anyos pa lang ako, tumigil na akong magsimba. Dapat daw, hindi ako nag-UP High at dun sa seminaryo ako nag-high school at sa Ateneo naman nag-college. Bilib na bilib kasi ang parents ko dun sa kaibigan kong nag-Ateneo. Napaka-gentleman daw at napaka-refined ng kilos. Supot naman. "Pasensya na po, kung tunay po talagang maitim ang budhi ko, di po magiging puti yan pag sa seminaryo ako pinag-aral. Hindi naman kasi puti ang budhi ng mga tao dun, pink po." Nakakaawa na lang minsan pakinggan ang pagsisisi ng mga magulang ko sa UP, pakiramdam kasi nila, sa UP ako
natuto ng mga kalokohan. Mula daw nang mag-UP ako, di na ako tumanggap ng honors. Nakontento na raw akong pumasa lang. "Ang korni naman po kasi ng honor students, parang lahat na lang ng extra-curricular activities pinapasukan para magka-honor. Alangan naman pong ipag-pilitan ko ang sarili kong sumali sa choir at sa school paper, na puro pambobola at istiran lang ang laman, para lang makapasok sa honor roll"
Alaws problem naman sa akin pag wala akong honors. Hindi lang naman yon ang sukatan ng galing ng isang tao. Yan daw ang isang kalokohang natutuhan ko sa UP, ang atupagin ang mga walang kwentang bagay sa halip na mag-aral at mag-participate sa campus activities, tapos, idadahilang "Don' let academics interfere with your education."
"Hindi biro ang humabol ng cum laude sa UP, at kahit saang school naman siguro ako napunta, ganun pa rin, matutuwa na akong pumasa. Para sa isang average student lang na kagaya ko, masaya na akong maging small fish in a big pond kesa naman maging big fish ako in a small pond."
Isa pang kalokohan yang isda-isda na pinagsasabi ko. Pero okay lang, at least, maganda naman ang analogy. Hindi man ako umani ng honors sa UP, natuto naman akong dumiskarte kapag inaalanganin. Kung lumaki siguro akong nag-aaral sa Catholic school, nagka-ulcer na ako sa kakalulon ng konsensiya.
Pero disclaimer po muna bago pa man kayo umangal. Hindi po pandaraya o pagnanakaw ang ibig kong sabihin ng diskarte. Hindi po ako tinuruang magnakaw sa UP. Sa UP ako natuto ng mga diskarteng not tantamount to pagnanakaw (pati itong conyo phrase, sa AS Lobby ko napulot). Iba kasi pag medyo iba ang orientation ng kausap mo. Mahirap kayong magkaintindihan. Radikal daw kasi ang mga taga-UP, pati pagnanakaw, pwedeng paniwalaang hindi masama. Kaya nga daw maraming kurakot na
opisyales ng gobyerno na taga-UP, kasi, pati daw kasi konsepto ng moralidad, kinuwestiyon na rin. Kaya minsan, pag nanunood kami ng balita at may umeksena na namang taga-UP, nagbibingi-bingihan na lang ako pag may humirit na "Ano na namang kalokohan ng mga taga-UP ito?"
Para kasi sa ibang taong ang pinagkukunan ng balita ay ang mga tabloids at AM radio, walang kasing sama ang mga kagaya nina Misuari at Joma Sison. E kung ipapaliwanag ko naman, sa abot ng aking makakaya, ang hinaing ng mga "sikat" na taga-UP, sasagutin lang ako ng "Yan ba ang tinuro sa inyo sa UP?" Huwag na lang. Baka mapalo pa ng bote ng cuatro cantos ang ulo ko dahil sa mga lintek na mga peace negotiations na yan.
Kaya minsan, pag may napabalitang nangungurakot na government official na UP alumnus, tahimik na lang ako, baka di pa ako iboto ng mga kababayan ko pag tumakbo akong mayor sa amin. Huwag naman sanang masamain, magnanakaw kasi ang pagkakakilala ng nakararami kay Marcos, at di lingid sa lahat na taga-UP siya. Sinundan pa kasi ng mga kabaliwan ni Miriam (at pinangangalandakan pa niyang taga-UP sya) at mga diskarteng bulok nina Fortun at Mendoza. Feeling tuloy ng mga tao, tinuturuan ang mga taga-UP kung paano gamitin ang abilidad sa kalokohan.
Marami daw kasing kalokohan sa UP. Andun na ang tumatakbong nakahubad, ang mga nagpapalu-an ng tubo, mga taong hindi naniniwala sa diyos, mga estudyanteng wala nang nakitang maganda sa pamahalaan, mga taong namundok, may mga buntis na ayaw magpakasal, may mga anak-mayaman na tumalikod sa karangyaan, mga nag-aaral ng mga kursong hindi mapagkikitaan, mga taong nagdyu-dyugdyugan sa damuhan, mga taong mukhang di naliligo, etc. Sa UP ba natin natutunan yan?
"Hindi po. Binuksan lang ng UP ang mga isip namin, kaya malaya po kaming tumanggap ng iba'-ibang ideya at paniniwala. Nasa tao na po 'yon kung anong paniniwala ang gusto nilang yakapin." Pero mahirap pa rin ipaliwanag, may mga nanghihinayang pa dahil sinayang daw kasi ang talentong handog ng langit. Yan daw ang natututunan sa UP - ang paniwalaang tama ang mali, ang suwayin ang mga magulang, ang hindi makontento sa buhay, ang gumawa ng kalokohan. Palibhasa, wala raw kasing religion sa UP, kaya maraming naliligaw ng landas.
"Di bale po, balang araw, pag sikat na ang mga taga-STI, malalaman niyo rin po kung sa UP nga namin natutunan ang mga kalokohan." Mamimilosopo na lang ako, total, pinipilosopo na rin naman ako ng pabaluktot e. Fuera saksak. Kaya lagi kong isinasaisip na magpalit ng anyo pag ibang tao ang kausap ko. Baka kasi abnormal ang tingin nila sa akin at sisisihin na naman ang UP. Masasaktan lang ako (at baka masaksak pa), mahal ko kasi ang UP.